Ano nga ba ang kahalagahan ng Biodiversity sa atin? Ano ang mga maaaring maging epekto kung isasawalang bahala ng mga tao ang pangangaral at pagpapaalala sa atin na pangalagaan ang kapaligiran? Sino ang mga magdurusa at sasalo ng mga magiging epekto? Sino ang dapat sisihin?
Una sa lahat, ang Biodivesity o ang pagkakaiba-iba ng bawat bagay na may buhay sa mundo ay isang importante at seryosong usapin. Ang mundo natin ay puno ng iba’t – ibang mga hayop, halaman, tao at marami pang mga bagay na nilikha ng Diyos. Napakaganda ng ating mundo , ngunit kung hindi iingatan at aalagaan, mananatili pa ba itong maganda at malinis tulad ng ating kinagisnan? Ang mga tao ngayon ay tila walang pakialam sa kapaligiran. Puro sila tapon dito, tapon doon. Hindi man lang nila iniisip kung saan mapupunta ang mga basurang kanilang tinapon. Hindi na nila iniisip kung ano ang maaaring idulot nito sa kalikasan. Meron ding mga illegal loggers. Kinakalbo nila ang ating kagubatan sa patuloy nilang pagputol ng mga puno na hindi naman nila pinapalitan ng panibago. Meron ding mga mangingisdang gumagamit ng illegal na paraan ng paghuli ng isda, gaya ng dynamite fishing, electrical fishing at cyanide fishing.
Dahil sa kanilang kagustuhang makahuli ng marami-raming isda, hindi na nila iniisip ang mga epekto ng kanilang gagawin sa mga tahanan ng isda, sa mga isda at sa iba pang lamang-dagat.
Iilan lang ito sa mga sanhi ng pagkasira ng ating kalikasan. Marami pang mga bagay ang nagiging dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan, at pagkaubos ng mga likas na yaman. Kailangan mamulat na sa realidad at katotohanan ang mga mamamayan, kung ang mga nabanggit na masasamang gawi ay ipinagpatuloy pa, ano na ang kinabukasang naghihintay para sa atin? Ano na ang mangyayari sa mundo? Dahil sa pagiging makasarili ng iba, marami ang naaapektuhan, mga inosenteng tao at hayop ang mga nadadamay. Sila ang nagbabayad ng kasalanang gawa ng mga taong walang pakialam.
Hindi pa huli ang lahat para magbago, wala namang may gustong masira ang kalikasan hindi ba? Kaya’t kailangan nating magtulong-tulong. Iwasto natin ang ating mga pagkakamali. Iwasan na ang mga masasamang gawi. Tayo ay magkaisa sa pagsagip, pagalaga at pagpapanatiling malinis at maayos sa ating kalikasan. Panahon na para matuto tayong magtulungan at tigilan na ang pagiging makasarili. Sama-sama nating ibalik sa dating kagandahan, kalinisan at kaayusan ang ating mundo.
———
Written by: Desiree Arreola, 15 years old
Winner, ABKD 2012 On-the Spot Essay Writing Contest
Contest Sponsored by: Foundation for the Philippine Environment and Diakonie Katastrophenhilfe
Leave a Reply