Ang CDRC ay sumasaludo at nagpupugay kay Lorena “Loren/Ren” Rivera-Villareal sa kanyang wagas, masigasig at walang pag-iimbot na paglilingkod sa bulnerableng sector ng ating lipunan.
Si Loren ay naglingkod bilang Executive Director ng Alay Bayan Luson, Inc. (ABI) mula 2012 hanggang 2018 . Naging upisyal siya ng CDRN (Citizens’ Disaster Response Network) sa mga taong ito.
Sa panahon ng matinding pandarahas at pananakot sa mga development workers, mismong Executive Director ng ABI noong 2012 na si Wilhelm Gertman ay pinaslang. Si Loren ang agad pumalit kay Wilhelm bilang Executive Director ng ABI noong 2012. Buong tapang siyang humarap sa mga hamon ng panahong iyon. Kinakitaan siya ng matibay na paninindigan, kakaibang tapang at tibay ng loob sa paggampan ng kanyang mga tungkulin sa ABI. Naging aktibo siya sa CDRN. Ibinahagi niya ang mga karanasan nila sa mga komunidad at ang mga ito ay kinapulutan ng mga aral ng iba pang Regional Centers.
Sa kabila ng banta sa buhay ng mga staff nito, ang ABI, sa pangunguna ni Loren ay matatag na gumampan ng mga tungkulin nitong tumulong sa mga bulnerableng komunidad. Nagpatuloy ito sa pagbibigay ng mga pagsasanay at sa pag-oorganisa ng mga komite sa kahandaang pansakuna upang mas maging handa ang mamamayan na humarap sa mga panganib at mapababa ang risgo sa pagkakaroon ng sakuna.
Noong hinagupit ng Super Bagyong Yolanda/Haiyan ang Region VIII at kalapit na mga rehiyon, isa ang ABI sa mga Regional Center ng CDRN na agad tumulong para maibsan ang hirap na naranasan ng mga nasalanta sa Leyte at Samar. Sa marami pang sakunang nangyari laluna sa Gitnang Luzon naroon si Loren at mga kasamahan niya sa ABI upang tumulong sa mga nasalanta hanggang sa kanilang pagbangon.
Lubos na nagpapasalamat ang CDRC, kabilang ang Board of Directors at ang buong staff sa lahat ng naitulong ni Loren sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bulnerableng sector at sa paglilingkod sa malawak na mamamayang Pilipino.
Mananatiling buhay ang iyong alaala Kasamang Loren!