The Community-based Disaster Management Story of Malabuan Disaster Preparedness Committee

The Community-based Disaster Management Story of Malabuan  Disaster Preparedness Committee

Ang nangyaring mga lindol noong October to December 2019 ay napakalaki ang pinsala nito para sa libo libong pamilya sa Cotabato. Ang Barangay Malabuan ay isa sa mga lugar na naapektohan kung saan nawasak ang kabahayan, nagkaroon ng landslide ang mga lupang sinasaka at labis na pagkapinsala ng kanilang kabuhayan at seguridad.

“Ang araw araw na pagyanig ng malalakas at sobrang maraming aftershocks ay nakakahilo at nagbibigay ng kaba at sakit lalo na sa mga bata, kababaehan at matatanda. Marami ang nawalan ng tirahan at ang lahat ay nanatili sa mga plastic tents na sobrang init at lamig, kulang sa pasilidad at walang magandang tulugan, aming tinitiis ang hirap- magiging ligtas lamang sa mga nagbagsakang mga bahay at imprastraktura” sabi ni Romeo Langgomes, Jr., DPC Chairman.
“Sa mga panahong iyon, nagkaroon ang mga konsultasyon, mga pagpaplano ang DPC Malabuan kung paano umangkop at magtulungan para sa kaligtasan ng bawat isa dahil sa sa araw araw na lindol”, sabi naman ni Tatay Jose.

Naging abala din ang DPC para tumulong sa mga data gathering, hazard assessments at pamamahagi ng mga tulong di lang para sa kanilang barangay, maging sa ibang barangay na nasalanta din ng paglindol. Nagtutulungan din sila kung paano maging ligtas at komportable ang mga babaeng buntis at mga batang may sakit.

Noong unang 2 buwan sa evacuation center ay nagiging ok lang ang kanilang pakiramdam, dahil sa dami ng nagbigay tulong sa pagkain at tubig sa kanilang evacuation center.
Ngunit nang maglaon ay dumalang ng dumalang ang naghahatid ng tulong. Nasisira na rin ang kanilang plastic tents at masyadong magulo at naghihirap na rin ang bawat isa sa evacuation tents dahil sa kakulangan ng pagkain, gamot at mga pasilidad. Sa pagdeklara ng national emergency dahil sa COVID-19, mas lalong tumindi ang tension at kailangan na rin nilang kumilos at mag-isip ng pamamaraan.
“Mahirap ang buhay sa evacuation center, dahil doon ako inabotan ng kabuwanan at nanganak. Buti na lang nadoon ang mga kasama sa DPC para akoy tulungan na madala sa hospital. Pagkatapos manganak, sa evacuation center pa rin ako nakatira, kahit mahirap, ngunit naging magaan dahil tinutungan nila kami kasama ang aking sanggol” , ang sabi ni Jean Mandacawan.

Dahil wala rin ang kanilang inaasahang relocation sites, noong Abril 2020, napagpasyahan ng DPC Malabuan ang bumuo ulit ng bagong komunidad, daladala ang kanilang tents. Mahirap pa din ang buhay sa simula dahil sa mga kakulangan ng butil na itatanim, malayo ang tubig at walang kuryente.

Dito, sila ay nagtutulungang itayo ang kani-kanilang maliit na mga bahay ngunit maaliwalas at nakakalanghap ng malinis na hangin. Nagtatanim din sila ng mga gulay, saging at mais para sa kanilang ikabubuhay
Gawa ng pagpaplano ng DPC at sa tulong ng ENCAP 2 activities, noong October 2020 nabuo ng DPC ang kanilang organisasyon na Malabuan Integrated Farmers Association (MIFA). Lubos ang kagalakan ng MIFA nang magkaroon ang kanilang komunidad ng isang proyekto para sa farm support assistance (mga kalabaw, kabayo at farm tools) at meron pang para sa water health and sanitation at meron pang solar lights.
Ang mga bata at kababaehan ay masigla para sa kanilang pang-araw araw na kalinisan at pangangailangan ng tubig para sa kanilang pamilya. Ang pagkakaroon ng isang malinis na palikuran ay nagbibigay ginhawa para sa komunidad na bumabangon galing sa hirap na dulot ng sunod- sunod na kalamidad .

Sa gabay ng CBDM, malaki ang pagbabago sa buhay ng DPC. Naging bahagi ang mga DPC leaders para ipalaganap ang paghahanda sa lindol, pandemya, pangkabuhayan at pagpahalaga para sa inang kalikasan.
Sinasama din ng DPC ang kanilang mga anak panahon ng mga trainings at community drill at sa mga gawaing paghahanda sa komunidad at pangkabuhayan.

Para sa kanila, ang mga kaalaman para sa paghahanda, pagpaplano ay malaking tulong upang mas mapalakas ang pagkakaisa at pagtutulungan para sabay sabay ang pagkamit ng maganda at maaliwalas na buhay sa gitna ng krisis at matinding hirap na nararanasan sa mga lindol at pandemya.